Manila, Philippines – Tiniyak ni PNP Chief Dir. Gen. Ronald Dela Rosa na iimbestigahan ng PNP ang nangyaring pagkamatay ng 17-anyos na binatilyo habang nagsasagawa ng One Time Big Time Drug Operation ang mga pulis noong Martes ng gabi sa Libis Baisa, Barangay 160 sa Caloocan.
Ayon kay Dela Rosa, mananagot ang mga pulis na ito kung mapapatunayang napatay sa kanilang drug operation ang inosenteng binatilyo na kinilalang si Kian Loyd, Grade 11 student ng Our Lady of Mount Carmel.
Sa ngayon, ayaw na munang magsalita ng tapos ng PNP chief lalot may ginagawang imbestigasyon.
Pero pahapyaw nitong sinabi na hindi robot ang mga pulis, mahirap aniyang pumatay ng mga inosente.
Mensahe naman ni PNP Chief sa pamilya ng biktima na nauunawaan niya ngayon kung galit ang mga ito sa PNP at siya ay humihingi ng despensa sa pangyayari.
Una nang sinabi ng operating team na nauna silang pinutukan ng binatilyo gamit ang 45 kalibre baril dahilan para gumanti ang mga pulis at mapatay ito.