Nagsimula nang magpakalat ang Philippine National Police (PNP) ng kanilang tauhan sa paligid ng Batasang Pambansa at iba pang strategic areas upang magbigay seguridad sa unang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ngayong araw.
Sa interview ng RMN Manila kay PNP Director for Police Operations Police Major General Valeriano de Leon, sinabi nito na unti-unti ang pagdedeploy sa mga security forces upang hindi mapagod ang mga ito sa mismong oras ng SONA.
Sa kabuuan, nasa 22,000 personnel ang ipapakalat mula sa hanay PNP, AFP, PCG at iba pang concerned agencies at ayon kay De Leon ay matatapos ang full deployment ng mga ito mamayang alas otso ng umaga.
Sa ngayon, wala pa silang naitatalang lumabag sa gun ban na nagsimulang ipatupad noong July 22.