Iniulat ng Philippine National Police-Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG) na robbery extortion ang nangunguna sa mga krimen na kinasasangkutan ng mga pulis na kanilang naaresto.
Base sa datos ng IMEG, kasama rito ang entrapment, buy-bust at paghahain ng warrant of arrest sa mga aktibo, retirado at mga sinibak sa serbisyo na mga pulis kasama ang kanilang sibilyan na kasabwat.
Sa naturang bilang, 86 na indibidwal ang kanilang naaresto.
25 dito ang dahil sa operasyon at 61 ang dahil sa paghahain ng warrant of arrest.
Ayon sa IMEG, lumalabas na karamihan sa kanilang operasyon ay may kinalaman sa pangingikil ng mga pulis.
Pinakahuli na nga dito ang pagkakaaresto noong nakaraang linggo ng pulis na nakatalaga sa Makati Police na nangongolekta ng pera para sa pagproseso ng reassignment orders.