Nakahanda na ang hanay ng Philippine National Police (PNP) kapag isinailalim sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) ang buong bansa.
Ito ay kung aprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng National Economic and Development Authority o NEDA.
Ayon kay PNP Chief General Debold Sinas, sa ngayon naghihintay na lamang sila ng utos mula sa Malacañang at kanila itong susundin.
Sinabi pa ng opisyal, wala naman gaanong magiging “major changes” na gagawin ang PNP dahil karamihan naman sa mga lalawigan sa bansa ay naka-MGCQ.
Magkakaroon lang aniya ng kaunting adjustment sa mga lugar na kasalukuyang nasa General Community Quarantine (GCQ) tulad ng Metro Manila.
Ngunit pagdating naman sa seguridad, mananatiling nakaalerto ang PNP at tutulong pa rin sa pagpapatupad ng minimum health protocol.
Samantala, sinabi naman ni Sinas na handa siyang magpaturok ng bakuna ng COVID-19 sa harap ng publiko para tumaas ang kumpyansa ng mga tao sa bakuna.