PNP nakahandang tumulong sa DOH para sa paghahanap ng mga indibidwal na target sa quarantine protocol 

Naghihintay lang ang Philippine National Police sa hiling ng Department of Health o DOH na tumulong sila sa paghahanap sa mga indibidwal na nakasabay o nakasalamuha ng isang 38 anyos na Chinese national na nagpositibo sa 2019 Novel Coronavirus sa bansa.

Ayon kay PNP Spokesperson Police Brig Gen Bernard Banac,  nakahanda na ang lahat ng local police units ng PNP para sa trabahong ito.

Sa katunayan ayon kay PNP Chief Gen Archie Francisco Gamboa, gumawa na ng direct line of communication ang PNP Health Service sa DOH para sa pagpapatupad ng public health measures.


Maging ang PNP Maritime group at PNP Aviation Security Group ay naka standby na rin para sa anumang hihilinging tulong ng DOH kung saan kailangan ng Police assistance.

Tiniyak naman ng PNP sa publiko na mananatili pa rin ang kanilang alerto laban sa mga kriminal na posibleng samantalahin ang sitwasyon ngayon kung saan abala sa kung paano makakaiwas sa NCOV para makapaghasik ng gulo.

Facebook Comments