PNP, nakahandang tumulong sa malawakang pagbabakuna ng gobyerno kontra COVID-19

Nakahanda rin ang Philippine National Police (PNP) na tumulong sa malawakang pagbabakuna na gagawin ng pamahalaan sa oras na maging available na sa bansa ang vaccine laban sa COVID-19.

Ito ang inihayag ni PNP Deputy Chief for Administration at Administrative Support to COVID-19 Operations Task Force (ASCOTF) Commander Police Lt. Gen. Guilllermo Eleazar.

Aniya, bahagi nang kanilang vaccination plan ay ang pag-assist sa mga vaccinators.


Mayroon aniyang PNP personnel ang may alam sa vaccination dahil mayroon silang sariling Medical Corps at Health Service unit.

Maaari rin aniya silang mag-deploy ng personnel para sa pagbabakuna dahil sa simula palang ng pandemya ay bumuo na sila ng medical reserve force na kinabibilangan ng PNP personnel na may medical training.

Sinabi pa ni Eleazar, nakatanggap din ng pagsasanay mula sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) sa pag-handle ng COVID-19 ang kanilang mga tauhan na nag-ooperate ng sarili nilang molecular laboratories, kung saan tini-test ang kanilang mga tauhan para sa virus.

Una nang inirekomenda ni Defense Secretary Delfin Lorenzana kay Pangulo Rodrigo Duterte na payagan ang mga sundalo na tumulong sa mga vaccinators.

Facebook Comments