PNP, nakapagtala na ng 71 election-related violence incidents

May naitala nang 71 election-related violence incidents (ERVI) ang Philippine National Police (PNP) kaugnay sa halalan ngayong araw.

Ayon kay PCol. Jean Fajardo, Spokesperson ng PNP, 41 sa nasabing insidente ay validated na non-related sa election.

14 ang under investigation at 16 ang kumpirmado na may kaugnayan sa halalan.


Kasama sa 16 ay ang nangyaring barilan ng mga supporter ng mga lokal na kandidato sa Magsingal, Ilocos Sur at Gen. Tinio, Nueva Ecija.

Ang hindi pa kasama ay ang mga nangyaring pitong pagpapasabog sa Maguindanao kagabi.

5 sa Datu Unsay kung saan may mga naitalang nasugatan ngunit nakalabas na din sa ospital at 2 sa Shariff Aguak na wala namang naitalang sugatan.

Pawang mga improvised explosive device (IED) ang ginamit sa pagpapasabog.

Ngunit sa pinakahuling report na kapapasok lang dito sa Camp Crame ay may nangyaring kaguluhan sa Buluan, Maguindanao at may tatlong napaulat na namatay.

Ang report na ito ay kasalukuyan nang iniimbestigahan ng mga tauhan ng Bangsamoro Regional Police Office sa pamamagitan ng Maguindanao PPO.

Samantala, mahigit 500 na pulis na pumalit sa board of election inspectors sa Cotabato City.

Kinumpirma ni PNP Spokesperson PCol. Jean Fajardo na mahigit 500 pulis ang pumalit sa mga guro bilang board of election inspectors sa Cotabato City.

Aniya, ang mga nasabing pulis ay magsisilbi bilang special electoral board sa 175 clustered precincts sa 33 polling centers sa Cotabato City.

Sinabi ni Fajardo na bahagi ito ng contingency plan ng PNP kung sakaling hindi magampanan ng mga guro ang kanilang tungkulin.

Ayon kay Fajardo, umatras ang mga guro na magsilbi bilang BEI dahil sa pangamba sa kanilang seguridad matapos na harangin ng mga miymebro ng isang political party ang mga vote counting machines sa tapat ng Comelec Office sa Cotabato City.

Ayon kay Fajardo 26 sa 33 voting centers sa Cotabato City ang nakapagsimula ng botohan as of 10 AM ngayong umaga.

Facebook Comments