PNP, nakapagtala ng 158 lugar sa Visayas na kinokonsidera bilang election watchlist areas sa BSK Elections

Umaabot sa 158 na mga lugar sa Visayas ang kinokonsiderang Election Watchlist Areas para sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.

Ito ang iniulat ng Philippine National Police (PNP) Area Police Command – Visayas sa 1st Quarter Visayas Joint Peace and Security Coordinating Center Meeting, na nilahukan ng Armed Forces of the Philippines Visayas Command at Philippine Coast Guard sa Camp Lapu-Lapu, Cebu.

Sa 158 na election watchlist areas sa Visayas, 40 ang klasipikado bilang areas of concern; 92 ang areas of immediate concern, habang 26 ang itinuturing na areas of grave concern.


37 sa mga ito ay nasa Region 6, 63 ang nasa Region 7, at 58 ang nasa Region 8.

Kaugnay nito, sinabi ni VISCOM Commander Lt. General Benedict Arevalo na mahalaga ang maagang paghahanda para sa election period na magsisimula sa Aug. 28 at tatagal ng isang buwan pagkatapos ng halalan sa Oktubre 30, hanggang sa Nobyembre 29.

Partikular aniyang tutukan ng AFP at PNP ang private armed groups at mga banta sa mga politiko.

Facebook Comments