Umabot na sa 21,306 na mga pulis ang naparuhasan matapos mapatunayang nasangkot sa iba’t ibang katiwalaan.
Ang bilang na ito ay mula noong 2016 nang magsimula ang Duterte administration hanggang ngayong taong 2022, ang pagtatapos ng termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Officer-in-Charge Lt. Gen. Vicente Danao Jr., sa bilang ng mga naparusahan sa katiwalian, mahigit 5,000 ay tuluyang sinibak sa serbisyo.
Habang may naitala naman silang 706 na police officers na napatunayang nasangkot sa transaksyon ng iligal na droga.
Sa bilang na ito, 504 ay sinibak sa serbisyo dahil napatunayang gumagamit ng iligal na droga habang 183 naman ay napatunayang sangkot sa transaksyon ng iligal na droga.
Sinabi ni Danao na kailanman ay hindi kinukunsinti ng kanilang organisasyon ang mga pulis na lumalabag sa batas at nasasangkot sa iligal na aktibidad.
Dagdag pa nito na ang pagparusa sa mga tiwaling pulis ay patunay na seryoso ang liderato ng PNP na itama ang lahat ng kamalian at parusahan ang dapat parusahan.