Nagsimula nang makipag-ugnayan ang Philippine National Police (PNP) sa mga security manager ng mga mall sa buong bansa.
Ito ay sa harap ng inaasahang pagdagsa ng tao sa mga mall ngayong holiday season lalo’t mas pinaluwag ang quarantine restrictions dahil sa COVID-19 pandemic.
Ayon kay PNP Chief Police General Dionardo Carlos, magtutulungan ang mga pulis at mga security personnel sa mga mall para masiguro na nasusunod ang health protocols.
Doble rin daw ang kanilang pagbabantay dahil inaasahan nilang aarangkada na rin ang mga masasamang loob para mambiktima.
Samantala, sa ngayon ayon sa PNP chief, ang mga tauhan nila mula sa quarantine control points ay nagsasagawa na ng regular anti-crime patrols para tulungan ang mga security agency sa pagbabantay sa mga matataong lugar.
Inatasan na rin daw ng PNP chief ang mga tauhan niya sa PNP Highway Patrol Group na tumulong sa pagsasaayos ng trapiko lalo’t inaasahan din ang pagsikip ng mga sasakyan sa mga pangunahing kalsada ngayong holiday season.