Patuloy ang panawagan ng Philippine National Police (PNP) sa mga grupong nais na magsagawa ng kilos-protesta ngayong araw kung saan nakatakda ang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ng Pangulong Rodrigo Duterte na iwasan muna ito.
Ayon kay PNP Spokesperson Brigadier General Bernard Banac, kailangang isaalang-alang ang nararanasang pandemya ng mga grupong nais magkilos-protesta para hindi magkasakit ng COVID-19.
Hinihikayat ni Banac ang mga gustong magprotesta na gawin itong online.
Sa ngayon aniya nasa critical situations na ang mga ospital dahil kinukulang na ng hospital beds kaya mas maiging sundin ang mga ipinututupad na health protocols ng gobyerno.
Sinabi pa ni Banac, hindi na rin magbibigay ng permit ang Local Governments Units (LGUs) para makapag-rally pero kung may mga grupong talagang magpupumilit na magsagawa ng kilos-protesta tiyak na aarestuhin ang mga ito, lalo na ang mga tutungo sa Commonwealth Avenue sa Quezon City para mag-rally.