PNP, nanatiling handa sa posibleng tactical offensives ng NPA

Hindi nagiging kampante ang Philippine National Police (PNP) kahit pa walang namo-monitor na anumang banta ng pag-atake mula sa armed wing ng Communist Party of the Philippines o CPP na New People’s Army (NPA).

Ito ay kaugnay sa pagdiriwang ngayong araw ng ika-54 na anibersaryo ng CPP at matapos ang pahayag ng CPP na magsasagawa sila ng tactical offensives matapos ang pagkamatay nang kanilang founder na si Joma Sison.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni PNP Spokesperson Police Col. Jean Fajardo na nagpapatuloy ang kanilang intelligence gathering at monitoring katuwang ang Armed Forces of the Philippines (AFP) para ma-monitor ang galaw ng NPA.


Sinabi ni Fajardo, pinaalerto partikular ang mga pulis sa mga police station at mga detachment sa mga malalayong lugar sa posbileng pag-atake na malimit na ginagawa ng NPA.

Kaugnay nito, nagdagdag na rin ng tropa mula sa police maneuver forces at Special Action Force (SAF) para tutukan ang mga vulnerable area.

Facebook Comments