Umaapela ang Philippine National Police (PNP) sa publiko na maging mahinahon at iwasang gumawa ng mga akusasyon.
Ito’y may kaugnayan sa nangyaring pag-atake ng mga terorista sa campus ng Mindanao State University sa Marawi City, Linggo ng umaga.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief PCol. Jean Fajardo, hindi makatwirang ituro ang insidente sa sinuman o anumang grupo sa kabila ng kanilang prinsipyo, paniniwala o pananampalataya.
Una kasing kumalat sa social media ang mga post hinggil sa umano’y religious war ang dahilan ng nangyaring pagpapasabog sa MSU.
Pero batay sa ulat ng mga awtoridad, muling nabuhay ang diwa ng bayanihan dahil ang mga Muslim ang unang rumesponde sa mga biktimang Kristiyano na dumalo sa misa nang maganap ang pagsabog.