PNP, nanawagang huwag munang husgahan ang mga pulis na sangkot sa shooting incident sa Kolo, Sulu; Kamara, makiki-alam na rin sa insidente!

Nanawagan ang Philippine National Police sa publiko na huwag munang husgahan ang mga pulis na sangkot sa shooting incident sa Jolo, Sulu kung saan apat na sundalo ang napatay.

Kasunod na rin ito ng pagkalat ng mga video sa social media kaugnay sa umanoy tunay na nangyari sa pagitan ng mga sundalong napatay ng mga pulis.

Sa interview ng RMN Manila kay PNP Spokesperson Brig. Gen. Bernard Banac, ang mga kumakalat na video ay dapat munang ma-validate ng National Bureau of Investigation.


Sinabi ni Banac na ipinauubaya na nila sa NBI ang full investigation at handa silang sumunod kung anuman ang magiging resulta ng imbestigasyon.

Bilang command responsibility, ni-relieve na ng PNP ang Chief of Police ng Jolo, Sulu na si Lt. Col. Walter Annayo habang nakadetine naman ang siyam na pulis na sangkot sa shooting incident.

Pinag-aaralan din ng PNP kung may pananagutan sina PNP Regional Director for Barmm, Brig. Gen. Manuel Abu, at Sulu Provincial Director Col. Michael Bawayan.

Kahapon ay binawi na ng PNP ang pahayag nila na “misencounter” ang nangyari at tinawag na lang na shooting incident.

Sa interview ng RMN Manila kay Puwersa ng Bayaning Atleta (PBA) Party-list Rep. Jericho Nograles, sinabi nito na kapag ginamit ang terminong “misencounter“ ay mayroong “whitewash” na nangyari.

Bilang principal author ng House Bill 3065 o strengthening of the PNP Internal Affairs Service, sinabi ni Nograles na isinusulong na ng House Committee on Public Order and Safety at House Committee on National Defense and Security ang isang motu propio investigation lalo na’t maraming katanungan ang mga kongresista sa nangyari.

Hawak na rin ang mambabatas ang CCTV footage na umano’y may ‘man in black’ na gumalaw sa katawan ng isang sundalong napatay sa pamamaril sa Jolo, Sulu.

Facebook Comments