Manila, Philippines – Iginiit ngayon ng Philippine National Police (PNP) na hindi nila inimpluwensiyahan ang mga suspek para idiin si Daraga Mayor Carlwyn Baldo sa kaso ng pagpatay kay Ako Bikol partylist Representative Rodel Batocabe.
Binigyan diin ni PNP Chief Police Director General Oscar Albayalde, na hindi gawa-gawa lamang ang mga ebidensyang hawak ng PNP sa kaso.
Ayon kay Albayalde, hindi nila tinuruan ng mga sasabihin ang mga suspek sa halip ang mga ito ang mismong nag-volunteer na magbigay ng pahayag.
Aniya, magkakahiway na panahon nang napasakamay nila ang mga suspek pero consistent ang mga binitawang pahayag ng mga ito kung saan ang alkalde ang itinuturong mastermind sa krimen.
Sa kabila nito, tiniyak naman ni Albayalde na dadaan sa due process ang nasabing kaso.
Maaalala na iniharap ng mga otoridad kahapon ang confessed gunman na si Henry Yuson at sinabing napag-utusan lamang siyang patayin ang kongresista kapalit ng pera at trabaho.
Humingi rin ito ng tawad sa pamilya Batocabe sa nagawang krimen.