Nanindigan ang Philippine National Police (PNP) na isang lehitimong operasyon ng pulisya at militar ang nangyaring engkwentro sa Pilar, Bohol kamakailan.
Ito ang reaksyon ni PNP Chief PGen. Benjamin Acorda Jr., matapos umalma ang grupong Karapatan at National Union of People’s Lawyers Cebu chapter matapos makasamang nasawi ang isang abogado at apat pa nitong kasamahan na makakaliwang grupo.
Ani Acorda, patay rin sa operasyon at nagbuwis ng buhay para sa bayan si Corporal Gilbert Amper maliban pa sa isa pang sugatang pulis.
Aniya, magsisilbi lamang sana ng warrant of arrest ang mga awtoridad sa top leader ng NPA na si Domingo Compoc nang mauwi ito sa engkwentro.
Bukod kay Compoc, patay rin ang apat nitong kasamahan kabilang ang bar passer na si Atty. Hannah Jay Cesista.
Giit ni Acorda, nakahanda ang Pambansang Pulisya na patunayan sa korte na lehitimo ang isinigawa nilang operasyon.