Manila, Philippines – Nanindigan ang Philippine National Police na may presensya ng Maute Group sa Metro Manila sa kabila ng pagkontra dito ng Armed Forces of the Philippines.
Paliwanag ni Police Sr. Supt. Dionard Carlos, tagapagsalita ng PNP, ito raw kasi ang lumabas sa patuloy na imbestigasyon ng NCRPO sa nabigong pambobomba sa US embassy noong Nobyembre kaya naiintindihan nila kung hindi ito na-monitor ng AFP.
Mas tumibay ang impormasyon ukol sa presensya ng Maute Group makaraang maaresto ng QCPD si Nassip Ibrahim na umanoy kontak ng grupo dito sa Maynila.
Lumabas kasi sa imbestigasyon na si Ibrahim ang nag-provide ng matutuluyan ng grupo at siya rin ang nagmaneho ng SUV na sinakyan ng grupo mula sa Mindanao.
Ang grupo ng Maute Group na nasa Metro Manila ay pinamumunuan umano ng isang Yusof Makoto na pinaniniwalaang naglalagi sa Tanza, Cavite.
Sa ngayon tinutugis din ang sub-leader ng Maute Group na si Isnadie Ibrahim na tiyuhin ng naarestong si Nassip Ibrahim.