
Binigyang diin ng Philippine National Police (PNP) na wala silang opisyal na kinuhang fitness instructor para pamunuan ang weight loss program ng buong hanay ng Pambansang pulisya.
Sa inilabas na memorandum ng Directorate for Police Community Relations, binigyang-diin na ang isinagawang fitness activity nitong June 19 sa Camp Crame ay inisyatibo lamang ng Police Community Affairs and Development Group (PCADG) at hindi saklaw ang buong PNP.
Ayon sa memo, walang direktiba si PNP Chief PGen. Nicolas Torre III na kumuha ng sinuman para pamunuan ang pambansang weight loss drive.
Pinayuhan din ang lahat ng tauhan ng PNP na iwasan ang pagpapakalat ng maling impormasyon.
Kinumpirma rin ng PCADG na inimbitahan nila si kontrobersyal na fitness vlogger Rendon Labador para tumulong sa kanilang 93-days weight loss challenge.
Samantala, nauna nang sinabi ni PNP Spokesperson PBGen. Jean Fajardo na wala siyang direktang kaalaman sa pakikipag-ugnayan ng PCADG kay Labador, pero bukas ang PNP sa sinumang nagnanais tumulong sa kanilang fitness advocacy.
Matatandaang una nang nagbabala si Gen. Torre na bibigyan ng “graceful exit” ang mga pulis na mabibigong makasunod sa physical fitness standards, alinsunod sa PNP Law o Republic Act 6975.









