PNP officers, nag-ampon ng indigent families bahagi ng kanilang “Kapwa Ko, Sagot Ko” program

Nag-ampon ng mga mararalitang pamilya ang libo-libong mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) bilang bahagi ng kanilang “Kapwa Ko, Sagot Ko” program.

Ayon Kay PNP Spokesperson Police Brigadier General Bernard Banac, ang programa ay ipinatupad ni PNP Chief Police Gen. Archie Francisco Gamboa para makatulong ang mga nakakariwasang miyembro ng PNP sa mga pamilyang lubhang apektado ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Sa ilalim ng programa, ang bawat opisyal ay kukupkop ng isang maralitang pamilya sa kani-kanilang mga lugar at bibigyan ito ng food pack, grocery items o financial assistance na para sa isang linggong pangangailangan.


Paliwanag ni Gamboa, ang programa ay pagsuporta sa Social Amelioration Program (SAP) ng gobyerno kung saan target nilang matulungan ang mga mararalitang pamilya sa lansangan o ‘yong mga walang permanenteng tirahan na hindi kasama sa listahan ng mga barangay para makatanggap ng tulong.

Sinabi ni Banac na sa ngayon ay 96,459 indigenous families ang inampon ng mga PNP personnel sa buong bansa na boluntaryong nagbigay ng “in-cash” at “in-kind” ng aabot sa 47 milyong piso o “average” na ₱500 kada pamilya.

Facebook Comments