Mananatili pa rin ang paninita na gagawin ng mga pulis sa mga hindi nagsusuot ng face shields.
Ito ay dahil sa wala pang pormal na kautusan at update guidelines sa kung pwede na bang huwag magsuot ng face shield.
Ayon kay Philippine National Police Chief Police General Guillermo Eleazar, patuloy nilang ipatutupad ang pagsusuot ng face shields sa enclosed areas at mga pampublikong lugar.
Aniya, batay kasi sa latest recommendation ng Inter-Agency Task Force (IATF) sa pangulo ay dapat pa ring gumamit ng face shields sa enclosed spaces, commercial areas, public transport, terminals at maging sa mga lugar ng sambahan.
Sinabi pa nito na ang pagpapatupad ng face shields ay gaya rin sa polisiya sa pagsusuot ng face masks.
Kaya naman ang Philippine National Police (PNP) ay mag-i-issue pa rin ng warnings o Ordinance Violation Receipts sa mga hindi magsusuot nito sa mga lugar na may lokal na ordinansa tungkol dito.
At kung kinakailangang arestuhin ang violator ay gagawin nila.
Pero mahigpit ang paalala ni Eleazar sa mga pulis na huwag saktan ang mga mahuhuling lalabag at pairalin pa rin ang maximum tolerance.
Utos rin ni PNP Chief sa mga pulis na mamigay ng face mask sa mga walang suot nito.