Itinanggi ng Chief of Police ng General Trias Cavite na si Pol. Lt .Col. Marlo Celero na pinagawa nila sa isang curfew violator bilang parusa ang 300 beses na pumping exercise na ikinamatay raw nito.
Ito ang sinabi ni PNP Spokesperson Brig. Gen. Ildebrandi Usana.
Aniya tinatanggap ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang pahayag ng Chief of Police pero magsasagawa pa rin sila ng imbestigasyon para matukoy kung talagang walang kasalanan ang mga pulis sa General Trias, Cavite.
Ayon pa kay Usana, tumulong pa nga raw ang mga pulis sa General Trias na madala sa iba’t ibang ospital ang nasawing curfew violator na si Darren Manaog Peñaredondo.
May pitong quarantine violators daw na maaring magpatunay rin kung talagang pinarusahan ng 300 beses na pumping exercise ang namatay na si Peñaredondo.
Sa huli tinitiyak ni Usana na lalabas din ang katotohanan sa insidenteng ito.
Giit pa ng opisyal community service ang utos ni PNP Chief General Debold Sinas na parusa sa mga Enhanced Community Quarantine (ECQ) violators.
Si Peñaredondo ay nahuli noong gabi ng April 1 dahil sa paglabag sa curfew hours kinaumagahan umuwi ito na hindi makalakad, kinumbulsyon naging coma sa ospital hanggang sa namatay.