Matapos ang insidente ng cyberattack sa isang bangko kung saan maraming bank depositors ang nabiktima.
Pinag-iingat ng Philippine National Police (PNP) ang publiko sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga payo upang hindi maging biktima ng cybercrime.
Ayon kay PNP Chief Police General Dionardo Carlos, kapag gagamit ng social media, huwag tatanggap ng unfamiliar friend requests, dahil malimit na gumagamit ng pekeng account ang mga hacker.
Ang malimit din aniyang paraan ng mga cybercriminal ay i-hack ang personal computers at gadgets para makapag-send ng emails na mayroong infected attachments.
Kaya mahalaga na huwag basta-basta magre-reply o bubuksan ang mga kahina-hinalang emails na mayroong links dahil ito aniya ay maituturing na phishing emails.
Huwag din daw basta-basta ipamimigay ang mga mahahalagang impormasyon lalo na ang contact at bank details at palaging magpalit ng password.
Kapag gumagamit daw ng mobile devices, limitahan ang paggamit ng contact numbers online dahil ito ay malimit nakukuha ng hackers.
Iwasan din daw ang mga unsecured wi-fi hotspots; i-disable ang bluetooth kapag hindi ito ginagamit para hindi maka-exploit ang hackers.
Sinabi pa ni PNP chief na ang magandang paraan para hindi mabiktima ng cyber attack ay dapat mag-isip nang mabuti, mas maging discerning at i-report sa awtoridad.
Handa aniya ang PNP Anti-Cybercrime Group na tumulong.