Hinikayat ng Kamara si Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Guillermo Eleazar, na magtalaga ng mga babaeng pulis na magmamando at mangunguna sa mga quarantine control checkpoints.
Ito ay para mawakasan na ang mga ulat ng “sexually ambushing” ng mga male officers sa mga kababaihang dumadaan sa checkpoint.
Pinakahuling insidente ay ang panghahalay umano ng isang police officer sa isang babaeng sakay ng motorsiklo na hinarang sa checkpoint sa Mabalacat, Pampanga dahil sa kawalan ng lisensya.
Iginiit ni House Committee on Strategic Intelligence Chairman Johnny Pimentel na matigil na sa lalong madaling panahon ang mga ganitong uri ng pang-aabuso na nangyayari sa mga checkpoints.
Iminungkahi ni Pimentel na tanging female police officers lamang dapat ang payagan na lumapit at mag-inspeksyon sa mga kabataan at kababaihang mahaharang sa checkpoint.
Aniya pa, may sapat namang bilang ng mga kababaihang pulis ang maaaring manguna sa mga checkpoint teams dahil 17% ng police force ay mga babae.
Kasabay nito ay pinamamadali rin ng mambabatas ang pagpapatibay sa House Bill 8689 na layong doblehin sa 20% ang taunang officer recruitment quota ng PNP na nakareserba para sa mga babaeng aplikante.