
Pinalagan ng Philippine National Police (PNP) ang pahayag ng abogado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na si Atty. Nicholas Kaufman patungkol sa umano’y umiiral pa ring patayan sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr., walang nagaganap na vigilante killings at kung mayroon man ay kailangan niya ng datos para maipaimbestigahan ito.
Kaugnay nito, nagbigay naman ng direktiba si Nartatez sa Director for Investigation na i-check ang mga kaso ng patayan mula July 2022 hanggang sa kasalukuyan.
Layon nito na malaman kung mayroon pang hindi pa napa-file-an ng kaso at kung may mga unsolved cases pa.
Tiniyak naman ng PNP na ang bawat kaso ng pagpatay ay iniimbestigahan at nireresolba, kasama na ang mga may kaugnayan sa ilegal na droga.










