Pinababalik ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang COVID-19 hazard pay ng mga pulis na hindi dapat makatanggap nito dahil hindi raw kwalipikado.
Sa isang memorandum na inilabas ng Directorate for Personnel and Records Management (DPRM), ipinasasauli sa ilang mga pulis ang natanggap nilang ₱15,000 na COVID-19 hazard pay.
Paglilinaw ng DPRM, ang mga frontliner lamang na mga pulis ang dapat na tumanggap ng hazard pay ngayong panahon ng COVID-19.
Partikular na pinapasauli ng PNP ay ang mga naka-schooling na hindi nag-report sa kanilang mga mother units kahit na may Recall Order.
Mga pulis na buntis, may sakit na hindi naka-duty sa frontline at mga pinayagang mag-work from home.
Sa Memorandum ni DPRM Police Major General Reynaldo Biay, kakasuhan ang pulis na hindi magbabalik ng ₱15,000 hazard pay.
Pero sa isang text message, sinabi naman ni PNP Chief Police General Archie Francisco Gamboa na hindi na sila magsasagawa ng imbestigasyon dahil honest mistake ng liderato ng PNP ang nangyari.
Inakala raw nila na lahat ng pulis ay makatatanggap ng hazard pay batay sa inilabas na Executive Order ng Malakanyang.
Kaya para sa kanya, hindi na dapat pang kasuhan ang mga pulis na tumanggap ng COVID-19 hazard pay kahit hindi sila qualified pero dapat ito ay ibalik.