Pinuri ng Philippine National Police (PNP) ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa pagkakaaresto kay dating Dinagat Islands Representative Ruben Ecleo Jr., ang number one most wanted fugitive sa listahan ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Ayon kay PNP Chief Police General Archie Francisco Gamboa, ang pagkakahuli kay Ecleo ay dapat magsilbing halimbawa at babala sa lahat ng iba pang puganteng patuloy na nagtatago sa batas.
Si Ecleo ay inaresto ng mga operatiba ng Regional Intelligence Division – Special Operations Group at Regional Mobile Force Battalion ng NCRPO sa San Fernando Pampanga sa pamamagitan ng warrant of arrest na inisyu ni Efren Dela Cruz, Chairpersn ng 1st Division ng Sandiganbayan dahil sa paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Si Ecleo ay na-convict ng tatlong counts ng graft noong October 13, 2016 at sinentensyahan ng Sandiganbayan ng 18 hanggang 31 taong pagkakakulong matapos mapatunayang guilty sa ilegal na pagdi-disburse ng pondo para sa tatlong construction projects.
Mayroong 2 milyong pisong pabuya para sa pagkaka-aresto kay Ecleo mula sa DILG.
Si Ecleo ay nagtatago sa Angeles, Pampanga at pinalitan ang kanyang pangalan bilang “Manuel Riberal.”
Isang nagngangalang Benjie Relacion Fernan, alias “Smile” ang naaresto rin sa operasyon at nahaharap sa kasong paglabag sa Penalizing Obstruction of Apprehension at Prosecution of Criminal Offenders.
Si Fernand ay nagsisilbing driver at personal assistant ni Ecleo.