PNP, pumalag sa pahayag ng CHR na dapat mas pagtuunan ng pansin ng gobyerno ang domestic remedies sa bansa

Pinalagan ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Guillermo Eleazar ang pahayag ng Commission on Human Rights (CHR) na sana ay umepekto ang mga “domestic remedies” bago imbestigahan ng International Criminal Court (ICC) ang mga alegasyon laban sa giyera kontra droga ng gobyerno.

Para kay PNP chief, kapag “domestic remedies” ang pag-uusapan, ay may mga ahensya ng gobyerno na kasalukuyan nang tumitingin sa mga alegasyon ng human rights violations sa bansa.

Kabilang aniya sa mga “domestic remedies” na ito ang pagtutulungan ng PNP at Department of Justice (DOJ) sa pagrebisa ng mga kaso ng mga pulis na lumabag sa standard operating procedure sa mga anti-drug operations.


Aniya ang kahandaan ng PNP na ibigay ang mga dokumento patungkol sa mga kasong ito sa DOJ, ay nagpapatunay na hangad nilang mapanagot ang mga pulis na lumabag sa batas.

Sinabi pa ni Eleazar, gumagana ang sistema ng hustisya sa bansa at ginagawa lahat ng pamahalaan na imbestigahan ang mga alegasyon ng pang-aabuso sa karapatang pantao sa pagsulong ng kampanya kontra droga.

Facebook Comments