Cauayan City, Isabela-Kinilala ni PCol James Cipriano, Provincial Director ng PNP Isabela ang malaking nagampanan ng PNP Quezon sa paglaban kontra droga sa pangunguna ni PCapt Rouel Meña matapos na madiskubre ang malawak na plantasyon ng marijuana partikular sa bulubunduking bahagi ng Sitio Dat-ayan, Brgy. Minagbag sa bayan ng Quezon.
Umaabot sa mahigit kumulang 7,000 square meters ang lawak ng plantasyon at tinatayang nasa halagang mahigit apat na libong piso ang katumbas ng 21 na puno ng marijuana na binunot ng mga otoridad matapos na respondehan ang sumbong ng mga concerned citizen sa lugar.
Nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso ang hindi pa pinapangalanang suspek na nagmamay-ari ng lupa na tinamnan ng ipinagbabawal na gamot.
Naniniwala ang kapulisan na dito rin galing ang unang nasabat sa isinagawang buy bust operation noong nakaraang mga buwan kung saan ay nakakuha ng mahigit 5 limang kilo ng marijuana ang mga otoridad sa nasabing operasyon kontra droga.
Una nang sinabi ng Hepe ng pulisya na hindi residente ng bayan ng Quezon ang minamanmanang suspek kaya’t nagpapasalamat din ito sa mga mamamayan na nagbibigay ng impormasyon upang maaksyunan ang mga di kanais nais o ilegal na ginagawa sa kanilang bayan.