Cauayan City, Isabela – Tiniyak ni PNP Regional Director P/BGen. Angelito Casimiro ang kahandaan ng PNP Region 2 sa paggunita ng undas ngayong taon.
Ayon kay P/Gen. Casimiro, sapat ang bilang ng mga pulis na naka kalat sa buong rehiyon para magbigay seguridad at asiste sa mga pribado at pam publikong sementeryo gayundin ang mga terminal, paliparan at iba pang matataong lugar.
Idinagdag pa ng Regional Director na maliban sa sapat na bilang ng kapulisan, ay naka antabay bilang force multipliers ang NGO’s, volunteers at mga barangay officials. Nagbigay narin ng direktiba si Casimiro sa lahat ng commanders na mas paigtingin ang kanilang security operations at public safety plans sa all saints at all souls day.
Binigyan diin ni P/Gen. Casimiro na inaasahan na nila ang bulto ng mga mamamayan sa lansangan maliban sa sementeryo kaya nagbigay siya ng kautusan sa lahat ng police units na magkaroon ng Public Assistance Desk at pag ibayuhin ang Motorist Assistance Hub para makapagbigay tulong at mas mabilis na matugunan ang peace and order sa mga sementeryo at pampublikong lugar.
Samantala, nagbigay ng babala si P/Gen Casimiro sa publiko ng ibayong pag iingat. Nanawagan siyang huwag magsuot ng mamahaling alahas at iwasang magdala na malaking halaga ng pera para hindi mabigyan ng pagkakataon ang mga kawatan. Hindi rin umano praktikal ang pagdala ng mamahaling gadgets at ipinagbabawal ang pagbitbit ng deadly weapons at pag inon na nakalalasing na inumin sa loob ng sementeryo.