Cauayan City, Isabela- Lalo pang hihigpitan ng kapulisan ang pagbabantay at pagpapatupad sa Enhanced Community Quarantine sa San Agustin, Isabela matapos na makapagtala ng kauna—unahang kaso ng Coronavirus Disease (COVID-19) sa naturang bayan.
Ito ang tiniyak ni PCapt Prospero Agonoy, hepe ng Pulisya sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa kanya.
Aniya, pangatlong beses nang isinailalim sa lockdown ang San Agustin matapos na magpositibo sa COVID-19 ang isang health worker na residente sa naturang lugar.
Ang naturang health worker ay si PH4200, nasa edad 31 na babae, at may travel history sa Maynila.
Kasalukuyang nasa ‘Total lockdown’ ang brgy. Masaya Sur at Masaya Centro sa naturang bayan.
Kaugnay nito, inatasan ni PCapt Agonoy ang kanyang tropa na higpitan ang pagbabantay sa mga quarantine checkpoints, mahigpit na pag-iimplimenta sa pagsusuot ng face mask, liqour ban at curfew hour.
Aminado naman ang hepe na mayroon pa rin mga pasaway sa kanilang nasasakupan subalit hindi aniya nila ito ipinagsasawalang bahala dahil binibigyan nila ang mga ito ng karampatang aksyon.
Payo sa kanilang kababayan na huwag mag-panic bagkus ay pag ibayuhin ang pag-iingat at sumunod sa payo ng DOH para makaiwas sa sakit gayundin sa mga iniimplimentang alituntunin kaugnay sa ECQ.