PNP San Mariano, Nanindigan na Hindi ‘Planted’ ang Buybust Ops sa Nadakip na Delivery Boy

*Cauayan City, Isabela- *Tiniyak ng mga operatiba ng PNP San Mariano na lehitimo ang kanilang ikinakasang drug buybust operation sa mga nahuhuling suspek na sangkot sa iligal na droga.

Ito’y matapos igiit ng suspek na kinilalang si Christian Buraga, 18-anyos, delivery boy, may live-in partner at residente ng Brgy. Zone 3, San Mariano, Isabela na naaresto kahapon sa drug buybust operation sa Brgy Sta. Filomena sa naturang bayan.

Ayon sa suspek, inilagay lamang umano ng mga operatiba ang nakuha sa kanyang bulsa na isang pakete ng hinihinalang shabu.


Sinabi rin ng suspek na kakasuhan nito ang mga pulis na nagtanim ng ebidensya laban sa kanya.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Police Master Sergeant Jomar Baingan, tagapagsiyasat ng PNP San Mariano, karamihan naman aniya sa mga nahuhuling suspek ay hindi umaamin sa nagawa at malaya aniya ang suspek na magsampa ito ng kaso sa mga pulis kung mayroon itong ebidensya na tinamnan siya ng droga.

Ayon pa sa imbestigador, matagal na rin na minamanmanan ng pulisya ang suspek dahil sa mga kinasasangkutan nitong pagnanakaw noong menor de edad pa lamang ito.

Kaugnay nito, dadalhin na ngayong umaga sa piskalya sa Lungsod ng Ilagan ang suspek para masampahan ito ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Facebook Comments