Santiago City, Isabela- Muling pinaalalahanan ng PNP Santiago ang mga residente ng lungsod sa kanilang isinagawang “Oplan Tambuli”ngayong araw, Disyembre 30, 2017 para sa nalalapit na pagsalubong sa bagong taon.
Ayon kay Station 2 PNP Santiago Police Senior Inspector (PSI) Melvin P. Delos Santos layunin ng Oplan Tambuli ang ipalaganap ang Executive Order no. 28 o “Firecracker zone area” na nilagdaan ni Pangulong Duterte.
Nakasaad din sa E.O. 28 na pagmumultahin ang sinumang gagawa, magtitinda at magpapaputok ng mga bawal na paputok mula sa halagang 20,000 pesos hanggang 30,000 pesos at maaari ding makulong ng anim hanggang sampung buwan.
Mahigpit ding ipinagbabawal ng kapulisan ang illegal na pagdadala at pagpapaputok ng baril upang maiwasan ang anumang insidente.
Bagamat wala pang naitatalang naputukan sa lungsod mula nang mag umpisa ang kapaskuhan ay sinisiguro pa rin ng PNP Santiago ang kaligtasan ng komunidad.
Hinihikayat din ng kapulisan ang publiko na makiisa at sumunod sa tagubilin ng Pangulo upang maidaos ng maayos ang pagsalubong sa bagong taon.