Sinimulan na ng Philippine National Police (PNP) ang masusing pagbilang sa lahat ng kanilang mga tauhan hanggang sa mga istasyon.
Ito’y sa layuning makapag-deploy sila ng mga tauhan na sasagot sa ratio na isang pulis sa bawat 500 residente.
Mismong sina PNP Deputy Chief for Administration Police Lieutenant General Guillermo Eleazar at PNP Deputy Chief for Operations Police Lieutenant General Cesar Binag ang nanguna sa pagbibilang sa pamamagitan ng koordinasyon sa regional directors.
Ayon kay PNP Chief Police General Camilo Cascolan, isa rin sa layon ng pagbilang ng kabuuan ng pulis sa bansa na makita kung saang lungsod o bayan ang kulang o kaya’y sobra ang mga nakatalagang pulis.
Aniya, kapag nadetermina ang bilang ng pulis sa isang lugar ay makikita na rin ang lakas o kahinaan nito kung saan kailangang isaayos din ang pangangailangan nito upang maging maayos sa kabuuan at naaayon sa bilang ng tauhan ng pulisya sa pamayanan.
Aniya, may pagkakataong sa isang lugar ay kulang ang pulis habang sa isang bayan naman ay marami ang nakatalaga.