Apat na lugar ang sinisilip ng Philippine National Police (PNP) para maging viewing sites sa gaganaping inauguration ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos jr., sa June 30.
Sabi ni PNP director for operations Maj. Gen. Valeriano de Leon, ito ay ang Philippine Arena at North Luzon Express Terminal sa Bulacan, Mall of Asia (MOA) sa Pasay City at Philippine Sports Center sa Pasig City.
Ibig sabihin, maglalagay dito ng LED television sets upang makapanuod ang publiko sa programa sa panunumpa ni Marcos bilang ika-17 na pangulo ng Pilipinas.
Layon aniya nito na mabawasan ang dagsa ng mga tao na magtutungo sa National Museum sa lungsod ng Maynila na pagdarausan ng inagurasyon lalo na’t limitado lamang ang papayagang makapunta rito.
Bukod diyan, nakikipag-ugnayan na rin daw ang PNP sa mga may-ari ng mga malalaking LED televisions sa kahabaan ng EDSA at iba pang bahagi ng bansa para sa live streaming ng inauguration.