Kahit may banta pa rin ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sinimulan na ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang bagong recruitment hub ngayong araw para makapag-recruit ng mga bagong kadete sa Philippine National Police Academy (PNPA) at mga bagong pulis.
Ayon kay PNP Spokesperson Police Brigadier General Bernard Banac, pinangunahan mismo ni PNP Chief Police General Archie Francisco Gamboa ang pag-a-activate ng PNP Recruitment and Selection Service (PRS) na matatagpuan sa Sandigan Hall, DPRM Annex Building sa Camp Crame sa Quezon City kaninang umaga.
Ang bagong established service hub ay pamamahalaan ng Directorate for Personnel and Records Management (DPRM).
Iniimbitahan naman ni PNP Chief Gamboa ang mga kabataan na pasok sa kwalipikasyon na mag-apply sa PNP.
Maari aniyang bisitahin ang PNP Online Recruitment Application System portal at www.pnporas.pnp-dprm.com para sa iba pang detalye.
Ipinagmalaki ni PNP Chief na isa ang PNP sa may mataas ang sweldo sa gobyerno.