PNP-SOSIA, nilinaw na mayroong lisensya ang hostage taker sa Greenhills San Juan City

Nilinaw ng pamunuan ng Philippine National Police-Supervisory Office on Security and Investigation Agencies na mayroong lisensya ang sinibak na security guard na hostage taker kahapon sa V-Mall sa San Juan City.

Ayon kay Police Brigadier General Michael John Dubria, Hepe ng SOSIA, makaraang ipahanap ang record ng hostage taker natukoy ang tunay na pangalan ng suspek na Alchie Paray y Pedraza, na accredited na security guard hanggang April 2021.

Samantala, pagdating naman sa pananagutan ng security agency nito na SASCOR o Safeguard Armor Security Corporation, sinabi ni Dubria na mayroon din itong lisensya at wala silang nakikitang paglabag.


Sa kabila nito iniutos ni Dubria ang pag-inspeksyon sa lahat ng opisina ng security agency kasunod ng Greenhills hostage taking incident.

Aniya, aalamin din nila ang detalye ng gwardya, mga armas na ginagamit ng mga ito at paraan ng pamamalakad.

Ito ay matapos na ilabas ng hostage taker na si Paray ang kanyang hinaing kagabi sa umanoy hindi patas na pamamalakad ng security agency na dahilan sa pang-hostage nito kahapon.

Facebook Comments