Suportado ng Philippine National Police (PNP) ang imbestigasyong ikakasa ng Senate Committee on Public Services hinggil sa naglipanang mga text scam messages.
Ayon kay PNP Officer-in-Charge Police Lieutenant General Jose Chiquito Malayo, hindi magdadalawang isip ang Pambansang Pulisya na makiisa sa imbestigasyon.
Handa rin aniya ang PNP na magbigay ng kontribusyon sa imbestigasyon lalo pa’t hawak ng PNP – Anti-Cyber Crime Group (ACG) ang ilang text scam cases.
Samantala, aprub din sa PNP ang SIM Card Registration Act.
Sa pamamagitan nito, mapaparusahan ang mga nasa likod ng text scam na nambibiktima ng mga Filipino.
Pero para kay Malayo, dapat mayroong security measures upang maprotektahan at hindi maabuso ang mga prepaid subscribers.
Kasunod nito, patuloy na panawagan ng PNP sa publiko na wag kagatin ang mga text scams at agad magreklamo sa PNP ACG kapag nakatanggap ng nasabing mensahe.