Nagpahayag ng suporta ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) sa pagsasampa ng Women and Children’s Protection Center ng kaso laban sa hepe ng PNP Custodial Center na si Lt. Col. Jigger Noceda.
Ito ay kaugnay ng reklamo ni dating Ozamiz City Vice Mayor Nova Princess Parojinog na minolestya umano siya ng opisyal ng ilang beses habang nakakulong sa PNP Custodial Center.
Ayon kay PNP Spokesperson PCol. Ysmael Yu, hihintayin nila ang proseso ng imbestigasyon para mas maging malinaw ang insidente.
Sa ngayon ay nasa restrictive custody na ng Headquarters Support Service si Noceda batay na rin sa patakaran ng PNP kapag may kinakaharap na kaso ang isang pulis.
Samantala, iginiit naman ni PNP Chief General Camilo Cascolan na ang ganitong gawain ng sinumang pulis ay hindi ugali nang isang responsable, kagalang-galang at disiplinadong pulis kaya dapat ay maimbestigahan.
Si Parojinog ay nakakulong sa PNP Custodial Facility sa Camp Crame matapos na maaresto noong taong 2017 nang isagawa ng mga pulis ang anti-drug operation sa mismong kanilang bahay sa Ozamis City na ikinamatay rin nang kaniyang ama na si Ozamis City Mayor Reynaldo Parojinog at 14 na iba pa.