Tapos na ng legal service ng Office of the Chief ng Philippine National Police (PNP) ang pag-review sa rekomendasyon ng Firearms and Explosives Office (FEO) na bawiin ang license to own and possess firearms ni Kingdom of Jesus Christ Founder at Leader Pastor Apollo Quiboloy.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief PCol. Jean Fajardo kaninang umaga nang matapos ng legal service ang pag-aaral kung saan pirma na lamang ni PNP Chief PGen. Rommel Marbil ang kulang.
Aniya, posibleng maaprubahan ngayong araw ang pag-revoke sa lisensya ng mga baril ni Quibuloy at isa pa nitong co-accused sa kaso.
Sa oras na ito’y lagdaan na ni PNP Chief Marbil ay agad na ipatutupad ng FEO kautusan at bibigyan naman ng pagkakataon si Quibuloy na isuko ang kanyang mga baril dahil maituturing na itong loose firearms.
Sa datos ng PNP FEO 19 na baril ang nakapangalan kay Quiboloy.
Si Quiboloy ay mayroong nakabinbing arrest warrants dahil sa mga kasong child abuse, sexual assault, trafficking, exploitation and discrimination.