Posibleng galing sa ibang bansa ang halos dalawang toneladang shabu na nagkakahalaga ng ₱13.3 bilyon na nasabat ng mga awtoridad kahapon sa isang checkpoint sa Alitagtag, Batangas.
Ito ang sinabi ni PNP Public Information Office Chief PCol. Jean Fajardo kasabay ng patuloy na imbestigasyon ng pulisya kung sino ang nasa likod nang pinakamalaking huli ng droga sa kasaysayan ng law enforcement operation.
Ayon kay Fajardo, iba ang packaging ng mga nahuling droga kumpara sa mga regular na nasasabat ng mga awtoridad.
Sinisilip ngayon ng PNP na isinakay ang mga ipinagbabawal na gamot sa yate upang maipasok sa coastal waters ng Batangas.
Sa ngayon, may kinakausap na ang PNP upang maberepika ang mga impormasyong hawak nila.
Matatandaang sa isinagawang inspeksyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kanina sa mga nakumpiskang shabu ay kanyang sinabi na may indikasyon na sa labas nga ng bansa nagmula ang droga.