Thursday, April 9, 2026

PNP, tinitrace na ang mastermind sa likod ng multi-million pesos na illegal fuel trade sa Navotas

Naglunsad na ng imbestigasyon ang Philippine National Police (PNP) para matukoy ang mastermind sa likod ng ilegal na kalakalan ng diesel na nagkakahalaga ng P9.75 million sa Navotas.

Ayon kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr. malaking dagok ang nasabing operasyon laban sa mga sindikato ng “paihi” at tiniyak nito na hindi titigil ang pulisya hangga’t hindi napuputol kanilang supply chain.

Aniya, tinitrace na ngayon ng mga imbestigador ang posibleng koneksyon ng nasabing operasyon sa mas malaking network.

Dagdag pa nito, inihahanda na rin ang isang financial investigation para matunton ang daloy ng pera at kita na kaugnay ng operasyon dahil ang ganitong mga scheme ay kadalasang gumagamit ng mobile depots at coordinated na distribusyon sa mga komunidad sa baybayin.

Nabatid na siyam na indibidwal ang naaresto sa nasabing ilegal na operasyon na kinabibilangan ng kapitan ng vessel, mga drivers, at helpers .

Kung saan narekober ang isang fuel tanker na may kargang 15,000 liters ng diesel, cargo vessel na may kargang 50,000 liters din na diesel at iba pang mga kagamitan.

Kaugnay nito, nagbigay na ng direktiba si Nartatez sa mga local commanders na paigtingin ang pagpapatrolya sa mga pantalan at baybayin lalo na sa mga high-risk areas kagaya ng Navotas habang nagpapatuloy ang koordinasyon sa Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Customs (BOC) bilang parte ng malawak na crackdown sa ilegal na kalakalan ng produktong petrolyo.

Facebook Comments