Siniguro ng Philippine National Police (PNP) na buo ang kanilang kooperasyon sa National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay sa kaso ng 18 taong gulang na binata na napatay ng pulis sa anti-illegal gambling operations sa Valenzuela City.
Ayon kay PNP Chief Police Gen. Guillermo Eleazar, iginagalang nila ang desisyon ng naulilang pamilya ni Edwin Arnigo na NBI na lang ang humawak sa imbestigasyon.
Pero, inutos niya pa rin ang kanilang Internal Affairs Service (IAS) na magsagawa ng impartial investigation upang matukoy ang operational lapses na nagawa ng mga tauhan ng Valenzuela PNP na nag-operate nitong Linggo.
Sinabi ni Eleazar, awtomatikong papasok ang IAS sa imbetigasyon kapag may namatay sa police operations para magsagawa ng motu propio investigation.
Giit ni PNP Chief, sakaling may makita ang IAS na paglabag sa mga pulis Valenzuela sa police operating procedures, hindi nila ito kukunsintihin at agad na sasampahan ng kasong administratibo.