PNP tiniyak sa pamilya nang nasawing pulis sa drug operation sa Cavite na mabibigyang hustisya ang pagkamatay nito

Iniutos na ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Guillermo Eleazar ang malawakang manhunt operation para mahuli ang mga responsable sa pagkamatay ni Police Staff Sergeant Karl Marty Manzanilla na nasawi sa isang anti-drug operation nitong Martes ng gabi sa Cavite.

Sa nangyaring operasyon, nakatakas ang tatlong suspek na sina Marlon Pacia, Jun-Jun Javier at Jomarie Pacia habang naaresto naman ang apat na sina, Jesabel Cadag, Jemuel Pillar, John Pacia, at John Lloyd Pacia.

Inutusan ni Eleazar si Police Regional Office (PRO) 4A Regional Director PBGen. Ely Cruz na gawin ang lahat para mapanagot ang mga salarin.


Batay sa police report, nakahalata ang mga suspek na mga pulis ang kanilang ka-transaksyon sa buy bust operation sa Barangay Salawag kaya pinaputukan ang mga pulis at unang tinamaan si Manzanilla bago ang kasama nitong si Patrolman Ariel Maribojo.

Naisugod pa sa Dasmariñas City Medical Center ang dalawang tinamaang pulis pero idineklarang dead on arrival si Manzanilla.

Sinabi ni PNP chief ang madugong enkwentro ay pagpapatunay lang na palaban at seryoso ang banta ng mga nagtutulak ng droga.

Facebook Comments