Kinumpirma ni Philippine National Police (PNP) Spokesperson Col. Jean Fajardo na wala pang isang porsyento ng kabuuang pwersa ng PNP ang 1,793 pulis na nag-file ng early retirement para sa taong ito.
Kasabay ng pagsabi na hindi ito makakaapekto sa operasyon ng PNP pero may mga hakbang sila para punuan ang bilang ng mga mawawala sa kanilang hanay.
Ayon kay Fajardo, ang mga nagbitiw ay naka-20 taon na sa serbisyo at pinili ang maagang pagreretiro upang hindi na mahagip ng panukalang pagbabago sa kanilang pension system.
Dagdag pa ni Fajardo, batay sa record ng PNP Retirement and Benefits Administration Service, nagbitiw sa PNP ang nasabing bilang ng pulis mula January 1 hanggang July 13.
Aminado ang PNP na isa sa sanhi ng availment ng optional retirement ay ang pagdududa sa bagong Military and other Uniformed Personnel o MUP Pension scheme dahil maaaring maipatupad ang pagbaba ng take home pay ng mga pulis para naman idagdag sa kanilang pension.