Hinihikayat na rin ng Philippine National Police (PNP) ang mga Pilipino na magbakuna kontra COVID-19.
Ayon kay PNP Chief General Guillermo Eleazar, inutusan niya na ang mga Chief of Police na tumulong sa national government sa ginagawang information dissemination campaign para mas maraming Pilipino na ang magpabakuna kontra COVID-19.
Sinabi ni Eleazar na magpapatupad sila ng “Oplan Bandillo” lalo na sa mga police station kung saan nais ng PNP Chief na gamitin ang isa sa kanilang mga platforms para himukin ang mga tao sa kanilang nasasakupan na magbakuna.
Kinakailangan aniyang maipaalam sa publiko ang kahalagahan ng pagkakaroon ng bakuna kontra COVID-19.
Ang “Oplan Bandillo” ay isang community awareness and information dissemination program laban sa mga criminal elements na ngayon ay ginagamit na ng PNP para hikayatin ang Pilipino na sumunod sa minimum health safety standard protocols simula nang magsimula ang pandemya.
Sa paraang ito aniya gumagamit ng megaphones at speaker system ang local police forces habang ginagawa ang regular na pagpapatrolya sa mga komunidad.
Matatandaang batay sa latest survey ng SWS, 51% lamang ng Filipino ang tiwala sa COVID vaccination program ng gobyerno.