Tutulong ang Philippine National Police (PNP) sa pagpapatupad ng price freeze sa mga pangunahing bilihin sa Abra.
Ayon kay outgoing PNP Chief Lt. Gen. Vicente Danao Jr., ito ay bilang pagtalima sa Republic Act (R.A) 7581 o Philippine Price Act.
Sinabi pa ni Gen. Danao na dahil nasa ilalim ng state of calamity ang Abra dahil sa nangyaring Magnitude 7 na lindol, umiiral doon ang price freeze kung saan makakatulong ito para makabangon ang ating mga kababayan doon.
Paliwanag ng opisyal, babantayan ng kapulisan ang mga negosyanteng mananamantala o magsasagawa ng pagmamanipula ng presyo ng mga pangunahing mga bilihin.
Babala ng mga otoridad, sinumang mahuling lumabag dito ay mahaharap sa kaso, pagmumultahin at maaari ding makulong.
Kasunod nito, nananawagan ang PNP ng kooperasyon sa publiko kung saan agad ipagbigay-alam sa kanila sinumang negosyanteng mananamantala ng sitwasyon ngayon sa Abra.