PNP, tutulong sa DTI sa pagpapatupad ng price freeze sa mga lugar na nagdeklara ng state of calamity dahil sa Bagyong Odette

Suportado ng Philippine National Police (PNP) ang Department of Trade and Industry (DTI) sa pagpapatupad ng price freeze para sa basic goods.

Para ito sa mga lugar na naapektuhan ng Bagyong Odette.

Ayon kay PNP Chief Police General Dionardo Carlos, inatasan na niya ang kaniyang mga tauhan na tumulong sa DTI partikular sa mga lugar na nagdeklara ng state of calamity dahil sa bagyo.


Batay sa ulat ng PNP, ang Local Government Units (LGUs) ng Camarines Norte, Cebu, Bohol at Negros Occidental ang nagdeklara na ng state of calamity.

Dahil dito, awtomatiko ang pagpapatupad ng price freeze sa mga produkto alinsunod sa Sections 6 at 7 ng Republic Act 7581 o ang The Price Act.

Sinumang susuway rito ay mahaharap sa pagkakakulong na hindi bababa ng isang taon pero hindi lalagpas ng sampung taon, at multang hindi bababa sa P5,000 ngunit hindi tataas sa P1 million.

Ilang halimbawa ng basic goods ay ang bigas, tinapay, de lata, itlog, gatas, karne, gulay, sabon, gamot at iba pa.

Facebook Comments