PNP, umaasang makakatanggap ng mga bagong supply ng bakuna ngayong linggo

Ngayong linggong ito ay inaasahan ng Philippine National Police na magkakaroon sila ng panibagong supply ng bakuna mula sa national government.

Ayon kay PNP Chief General Debold Sinas, wala pang guidance sa kanila kung AstraZeneca vaccine ang panibagong supply ng bakuna ang ibibigay sa kanila.

Pero ganun pa rin aniya, kapag mayroon na silang bagong supply, ang magiging prayoridad pa rin mabakunahan ay ang mga kasama sa priority list kabilang ang kanilang mga health workers.


Matatandaang nang nakaraang linggo sa pagsisimula ng pag-rollout vaccination program ng gobyerno ay nakatanggap ang PNP ng 1,200 dose ng Sinovac vaccine na natapos ng ibakuna sa halos 1,200 na PNP personnel.

Una nang sinabi ni PNP Deputy Chief for Administration at ASCOTF Commander Lt. Gen. Guillermo Eleazar na makalipas ang 28 araw ay kakailanganin nang turukan ng pangalawang beses ang unang 1,196 na pulis na tinurukan ng Sinovac vaccine.

Facebook Comments