Umalma ang Philippine National Police (PNP) sa pahayag ng Commission on Human Rights (CHR) na nabigo ang gobyerno na pangalagaan ang karapatang pantao, partikular sa kampanya kontra droga.
Sa report ng CHR na nag-imbestiga ng 882 kaso ng pagkamatay sa mga anti-drug operations, tinukoy ang madalas na paggamit ng “excessive force” na may “intend to kill” na nagresulta sa pagkamatay ng 920 target ng operasyon, na sinasabing “nanlaban”.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief Pol. Brig. Gen. Roderick Augustus Alba, alam ng PNP ang mga kasong isinampa laban sa ilan sa kanilang hanay na umano’y umabuso sa karapatang pantao sa mga operasyon.
Giit ng heneral, ang mga kasong ito ay nasa husgado na at layunin din ng PNP na makamit ang hustisya, kaya mananagot ang dapat managot.
Magkagayunman sinabi ni Alba na iginagalang ng PNP ang pahayag ng CHR, pero kinikilala rin pamunuan ng PNP ang pagsisikap ng mga pulis na panatiliin ang kapayapaan at kaayusan.