Nirerespeto ng Philippine National Police (PNP) ang karapatan ng bawat Pilipino na maghayag ng kanilang saloobin batay na sa nakasaad sa Saligang Batas.
Ito ay matapos ang mga banta ng iba’t ibang grupo na magsasagawa ng kilos protesta upang tutulan ang isang partikular na kandidato na lumalamang ngayon sa bilangan.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Director for Operations at Deputy Commander ng Security Task Force for National and Local Elections, P/MGen. Valeriano de Leon, hindi naman nila pipigilan ang anumang uri ng pagkilos bilang bahagi ng demokrasya.
Pero, umaapela si De Leon sa mga gumagawa ng pagkilos na maging mahinahon at siguruhing hindi sila makaaabala sa mas nakararami lalo pa’t balik normal na muli ang sitwasyon matapos ang halalan.
Matatandaang nagbabala si PNP Officer-In-Charge, P/Lt.Gen. Vicente Danao Jr., na sakaling may mga magmatigas pa rin at magpumilit na balewalain ang batas ay gagamitin ang kanilang buong puwersa para mapanagot.